Monday, April 21, 2008

Book Industry ng Pilipinas : Isang Pag-aaral

Thesis Statement: Mayroon iilang suliraning ikinakaharap ang book industry ng Pilipinas at maaaring hindi ito napapansin ng karamihan sa mga mamamayang Pilipino.

I. Introduksiyon ng Pag-aaral

A. Ang Suliranin at Kaligiran Nito

Sa bansang Pilipinas o kahit saan pa man sa mundo'y matatagpuan ang iba't-ibang sining at industriya na kung saan nahahasa ang mga natatanging kalakasan at kagalingan ng mga mamamayan. Dito rin sa mga industriyang ito matatagpuan ang mga ikinapamumukod ng ilang mga tao. Sa mga industriyang ito rin natatalakay ang mga suliranin sa kinakaharap ng iba't-ibang aspeto ng lipunang may kinalaman rito. Iilan lamang sa mga industriyang ito ng Pilipinas ay ang industriya ng Turismo, Komersiyo, Teknolohiya, Medisina, at ang industriya na ikinabibilangan ng mga libro at literatura, atbp. Datapwat, sa pag-aaral na ito, ang huling nabanggit lamang ang tatalakayin.

Ang industriyang ito'y kinapapalooban ng iilang mga usapin tulad ng usapin sa paglilimbag ng mga libro, pagkilala sa mga manunulat, at pag-aaral sa iba't-ibang linya ng literatura. Marahil tungkol din ito sa pag-unlad ng mismong industriya.


Sa pag-aaral na ito sisikaping sagutin ang mga sumusunod na katanungan:

1. Paano ba ang daloy ng bentahan ng mga libro sa Pilipinas?
2. Ano na ang estado ng industriyang ito ng Pilipinas?
3. Anu-ano ang mga suliraning ikinakaharap ng book industry sa bansang ito?
4. Ano ang mga hakbang na ginagawa ng mga organisasyon at mamamayan ukol sa mga problemang ito?

B. Layunin at Kahalagahan ng Pag-aaral

Layunin ng pag-aaral na ito na ilahad ang daloy at progreso ang pagbabasa sa Pilipinas. Gusto ring ipamahagi ng manunulat ang iilan sa mga problemang hinaharap ng industriya, kasama ang mga suliranin ng mga tagalathala, pati na rin ang mga hakbang na ginagawa ng mga mamamayan ukol sa pag-ayos at pagpuksa ng mga ito. Ipapakita rin ng pag-aaral na ito ang mga nagiging impluwensya ng mga libro at iba pang gamit panliteratura sa mga mamamayan. Susubukan din ng manunulat na hikayatin ang mga makakabasa nito upang makilahok sa larangan ng literatura at maging instrumento sa pag-unlad ng industriyang ito.

Importante ang pagsasagawa ng pag-aaral na ito dahil ito ang maaaring magbigay ng kaalaman sa mga mamamayang hindi gaanong pamilyar sa "book industry" ng Pilipinas. Mahalagang ipakita sa mga tao na mayroong industriyang nagtatrabaho tungo sa ikabubuti ng mga naninirahan sa Pilipinas. Ganap na importante ang pag-aaral na ito dahil maaaring makatulong ito upang mas maintindihan pa ng iilan ang mga nangyayari sa loob ng industriyang ito. Datapwat, ang pag-aaral na ito ay maglalahad ng mga suliranin at solusyon na maaaring magbukas sa isipan ng mga tao't marahil ito na ang magdala sa kanila ng panibagong paningin ukol sa industriya.


C. Saklaw at Limitasyon ng Pag-aaral

Ang pag-aaral na ito ay ukol sa mga suliranin na nararanasan ng book industry ng Pilipinas sa mga nagdaang taon hanggang sa kasalukuyan. Sa pag-aaral na ito rin kasama ang mga hakbang na ginagawa upang mapabuti ang kalagayan ng industriyang ito. Sakop din ng pag-aaral na ito ang usapin sa book piracy, na maaaring hindi gaanong kilala ng mga mamamayang Pilipino. Sa pangkalahatan nama'y sakop ng pag-aaral na ito ang industriya lamang sa Pilipinas at hindi ito lalabas sa teritoryong ito.

Isinagawa ang pag-aaral na ito sa tulong ni Gng. Maria Asena Galang, ang OIC ng Research, Policies and Programs Division ng National Book Development Board. . Karagdag nito, ang isang sarbey ay isinagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga sarbey form upang malaman ang kaalaman ng mga indibidwal na ito ukol sa kalagayan ng book industry ng Pilipinas, pati na rin ang mg suliraning ikinakaharap nito.

Pagkatapos ng pag-aaral na ito'y inaasahan ng manunulat na makapagbigay ng ilang mahalagang impormasyon ukol sa industriyang ito ng Pilipinas at nawa'y maging daan upang mabigyan din ng sapat na atensyon ang grupong ito. Sa katapusan din ng pag-aaral na ito'y inaasahan ng manunulat na maipakita na may lugar pa para sa pag-unlad at pagpapabuti ang "book industry" ng Pilipinas dahil ayon na rin kay UP President Emerlinda R. Roman (2006) sa kanyang talumpati para sa Book Development Association of the Philippines (BDAP), "All industries contribute to the development of the country. Yours, however, is unique because your product is unique. Your product is books. You deal with ideas. Your product feeds the mind."





D. Kaugnay na Pag-aaral

http://www.up.edu.ph/features.php?i=7

http://www.up.edu.ph/upforum.php?issue=20&i=157

http://ipophil.gov.ph/htm_doc/pressrelease04182007.htm

http://www.accu.or.jp/appreb/02/02-02/02-02country/02phi.html


II. Ang Mga Pangyayari sa mundo Book Industry

Ano ang mga nangyayari sa mundong ito? Puro pagbabasa lang ba ang narito? Tungkol lamang ba ito sa paglalathala at pagbebenta ng libro? O maaring mayroon pang mas malalim na iysung bumabalot sa mundong ito? Marahil hindi alam ng lahat ang agos ng trabaho at buhay sa industriyang ito, datapwat, ipapakita sa iilan ang mga kaganapan sa sektor na ito.


A."Trends" o Daloy sa Pagbabasa, Paggawa, at Pagbenta ng Mga Libro sa Pilipinas.

Ayon sa Asia Pacific Cooperative in Reading Promotion and Book Development (APPREB) correspondent na si Dominador D. Buhain (2005), ang mga tagalathala sa Pilipinas ngayon ay mayroon nang mataas na kapasidad sa iba't-ibang aspeto ng paglathala. Ayon din sa APPREB, ang tukod sa prinsipal ng industriyang ito ng Pilipinas ay ang mga textbook. Sa mas madaling salita, ito ang pangunahing produkto ng "book industry" ng Pilipinas.

Ayon din kay Buhain (2005), mahigit kumulang sa 70% sa mga kabuuang produktong ito ay mga librong pampaaralan, at mga aklat na nagtataglay pangkaraniwan o pangkalahatang impormasyon o general reference books. Nasa 23% naman ng mga produktong ito ang mga almanac, atlas, at mga librong kakambal nito, at nasa 4% ng mga librong ito ang mga gawang panliteratura, tulad ng mga nobela't maiikling kwento. Habang ang nititirang 3% ay mga librong inilalathala ng mga unibersidad at mga institusyon.

Ayon naman kay Karina Bolasco ng Anvil Publishing (2006), sa buong sa Timog Silangang Asya, ang paglathala ng libro sa Pilipinas ang pinakakakaiba, pinakamasidha, at ang may pinakamaraming pagbabago, sa kabila ng kakulangan sa suporta ng gobyerno, at suporta ng ibang bansa.

Pahayag din ni Buhain (2005) na ang bentahan ng mga libro, mapalokal man o banyaga ay nasa 15%-20% na ng "sales" ng National Bookstore. Para sa dagdag na kaalaman, ang National bookstore ang pinakamalaking bentahan ng mga aklat sa Pilipinas na mayroong mahigit kumulang na 80 tinadahan sa buong bansa. Kasama rin sa ulat na ito ni Buhain na mayroon nang mga dagdang na tindahan ng librong itinayo upang maiparating ang iba't-ibang impormasyon at pangangailangan ng mga mamamayan.

B. Mga Isyu at Suliranin sa Industriyang Ito

Mayroong iilang problemang hinaharap ang book industry ng Pilipinas sa kasalukyan. Sa kabanatang ito ipapakita ang ilan sa mga prominenteng suliraning nararanasan ng industriya. Kakambal din naman nito ang iilan sa mga solusyong ginagawa ng mga organisasyong nagtatrabaho tungo sa ikabubuti ng larangang ito.


Unang-una, nabanggit ng University of the Philippines President na si Emerlinda R. Roman (2006), mayroong iilang suliraning ikinakaharap ang "book industry" ng Pilipinas. Isa na rito ang kakulangan sa paggawa at paglathala ng marami at mas mabuting aklat.

Ayon na rin sa istatistikang inilahad ng Philippine National Library, mayroong mahigit kumulang na 5,327 librong inilalathala sa bawat taon mula taong 2000. Hayag din isang ulat ng "local book publishing industry" (2005), mayroong 70% na textbook na inilalathala at karamihan dito'y para sa mga paaralan.

Sinasabi naman sa Republic Act 8047 (1995), na ang pagpapaunlad, paglalathala, at pagkalat ng mga libro ay nailipat sa kapangyarihan ng Department of Education (DOE) tungo sa kapangyarihan ng mga pribadong tagalathala. Ayon kay Roman (2006), ito dapat ay nakatulong sa pagpapabuti ng kalidad ng mga aklat. Ngunit, taun-tao'y nakakatanggap sila ng mga reklamo galing sa iba't-ibang sektor ukol sa mababang kalidad ng mga librong ginagamit ng mga pampubliko at pribadong paaralan. Ang usaping ito nama'y kinukumpirma nang makapanayam ng manunulat si Gng. Maria Asena Galang ng National Book Development Board (NBDB), nang kanyang sabihin na isa mga problema ng industriya ang kalidad ng mga textbook. Pahayag din naman ng nakapanayam ng manunulat na gumaganda naman na ang kalidad ng mga lokal na libro sa paglipas ng panahon.

Isa ring suliraning ikinakaharap ng industriyang ito ay ang pagpipirata ng mga libro. Ito ay mas kilala sa terminong "book piracy".

Ayon kay Roman (2006), dahil sa hindi mabuting paglathala ng mga lokal na aklat, nagkakaron na ng mataas na bilang ng mga estudyanteng pinipili na lamang na kumopya ng teksto mula sa mga banyagang libro sa tulong ng mga "photocopy machines". Sinabi rin ng UP President na ito na ang mga pagpipiratang ito ang humahadlang sa mga lokal sa tagalathala upang makipagsapalaran sa paggawa ng mga kailangang libro at kailangang maitigil na ito.

Pahayag naman ni Atty. Adrian S. Cristobal Jr. ng Intellectual Property of the Philippines (IP Philippines, 2007), ang pagpipirata ng mga libro ay halimbawa ng pagkait ng mga magagandang kapalit ng produktong pinaghirapan sa mga manunulat. Hinahadlangan din nito ang pagsibol ng industriya pati na rin sa ekonomiya ng Pilipinas. ayon sa direktor, kasama rin dito ang pagpapahina sa kulturang Pilipino. Kakambal din nito ang pahayag ni Gng. Maria Arsena Galang ng NBDB (2008) na dulot ng pagpipirata ang pagkalugi ng mga lokal na tagalathala at mga manunulat.

Ulat naman ng National Committee for Intellectual Property Rights (NCIPR, 2006), ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) ay mayroong nakumpiskang mahigit kumulang sa isang milyong pisong halaga ng photocopy machines at aklat, at inaresto ang isang may ari ng tindahan ng mga ito. Hanggang sa taong 2005, mayroon nang mahigit 3.3 bilyong pisong mga piniratang produkto ang nakumpiska ng CIDG.

Ayon din kay Roman (2006), isa pang problema ang pagpapalaki ng merkado para sa mga libro na hindi textbook. Minsa'y nakakaranas ang mga tagalathala ng Unibersidad ng Pilipinas na maglimbag ng 1,000 librong panliteratura, tulad ng mga tula at kwento, and kaunti lamang mula sa mga ito ang nalilimbag pang muli o nagagawan ng kopya. Nakakadismaya ang ganitong pangyayari ayon sa Presidente ng UP. Dala na rin siguro ito ng dahilan na ang mga manunulat ng mga nasabing libro ay mga prominente at kilala nang manunulat, at iba nama'y kilala na sa ibang bansa.

Kinukumpirma ang pangyayaring ito sa UP sa mga nakalap na resulta sa pag-aaral ng
National Book Development Board (NBDP, 2003) ukol sa "Filipino Book Readership, Reading Attitudes and Reading Preferences in 2003, na 91% sa mga respondente na nagbabasa ng mga "non-school books" ay ginagawa ang pagbabasang ito upang makakuha ang impormasyon at hindi upang maglibang lamang. Ayon din sa mga respondenteng iyon, mas gusto nila ang magbasa ng Bibliya at sumunod dito ang mga romance novelettes.

Isa sulirinaning ikinakaharap ng "book industry" ng Pilipinas ay ang kakulangan sa mga tauhan. Dahil ayon naman sa pahayag ni Esther Pacheco (2006), isang dating miyembro ng Ateneo University Press, hirap ang industriyang ito na maghanap ng mga propesyonal na tagapamahala, editor, disenyador, at tauhan sa produksyon ng mga aklat at iba-ibang uri ng nailimbag na materyal na makapaghahatid ng impormasyon.

Naging problema din ang hindi gaanong pagkilala ng mga mamamayan sa "book industry" ng Pilipinas. Gaya nga sa sinabi ni De Ungria (2007), may pakialam siguro ang ibang mamamayan at ang National Book Development Board (NBDB) sa paglalathala ng mga libro. Subalit, banggit din ni De Ungria, "this million-peso industry remains unexplored". Unang-una, marahil ito'y dala ng kawalan ng disente at immediate availability ng mga datos na may kinalaman sa produksyon ng mga aklat sa bansang ito. Sumunod naman ang pagkaroon ng pag-unlad sa mundo ng Information Techonology o IT, kung saan mas nagagamit ang internet at iba pang kagamitang panteknolohiya.

Hindi natatapos dito ang suliranin sa industriya. Nasabi ni Costina (2007) na isang problema ng mga tagalathala ang bagong henerasyon na masasabi niyang "non-readers shaped by multimedia entertainment and high end technology". Ito raw ang nagiging dahilan kung bakit nagiging tamad ang mga estudyante tungo sa pagbabasa ng mga aktuwal na libro. Ayon sa kanyang karanasan, nakita niya na ang kanyang mga estudyante na nagsasagawa ng download at kinukuha na lamang ang mga lagom at analysis ng iba't-ibang librong nakalista sa kanilang syllabi. Sinasabi rin ni Costina na marahil, masyado nang nalulong ang kabataan sa online versions kaysa sa pagbabasa ng mga libro.


C. Mga Solusyon Tungo sa Pagpapabuti ng Industriya

Gaya ng nabanggit, mayroong kakambal na solusyon ang mga suliraning ikinikaharap ng pinag-uusapang industriya. Sa kabanatang ito naman pag-uusapan ang mga hakbang na ginagawa ng iilang mga organisasyon at grupo upang mapabuti ang kapakanan ng mga miyembro ng industriya, pati na rin ang pangkalahatang grupong ito.

Unang-una, nasabi ni Roman (2007), sa kanyang talumpati, na hinihikayat nila ang mga miyembre ng pakultad ng Unibersidad ng Pilipinas na magsulat ng mga textbook at siguraduhin ang paglalathala ng mga ito. Ngunit, may isang kondisyon na ang mga manuscript ay pag-aaralang maigi ng mga ekperto. Naging suhestyon din ng presidente ng UP na kung ang isang libro ay tatagal ng mahigit kumulang sa limang taon, maaari sigurong mag-ambag ang mga tagalathala ng kaunting pondo upang makagawa ng mga librong may mabuting kalidad, kasama na rin ang mga libro para sa mga nasa kolehiyo na. Marahil ang hakbang na ito ay makakatulong upang mas maging maganda ng kalidad ng mga librong gagamitin.

Sumunod naman dito ang mga solusyon para sa laganap na book piracy. Banggit naman ni Cristobal (2007), isang kalahok sa naganap na international conference ng World Intellectual Property Organization (WIPO), na ginagawan nila ng mas mainam na pag-oorganisa ang kanilang Copyright Support Servies Unit. Dito gagawin ang pagpapadali ng pag-umpisa ng koleksyon ng mga kapisanan para sa mga manunulat at iba pang artista, gaya ng ginawa ng Filipino Society of Composers, Authors, and Publishers para sa mga musikero. Dagdag naman ni Cristobal (2007), na mapapadali ito dahil nagtaguyod sila ng isang matatag na relasyon kasama ang Book Development Association of the Philippines (BDAP), ang Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas (UMPIL), at ng iba pang grupo ng mga manunulat.

Ginagawan din ng paraan ng Intellectual Property of the Philippines (IP Philippines) at ng National Book Development Board (NBDB) ang suliraning ito sa pamamagitan ng pagpapataas ng kaalaman ng mga mamamayan ukol sa usaping copyright upang masuportahan ang mga manunulat,ang industriya ng paglalathala, nang mawakasan na ang book piracy. (IP Meet, 2007)

Ayon naman sa Executive Director ng NBDB na si Atty. Ma. Andrea Pasion-Flores (2007), "Intellectual property rights (IPR) education is now included in the fourth year Economics curriculum of high school students. The Bureau of Secondary Education of the Department of Education has included copyright and other IPR to the list of standard learning competencies for school year 2007 to 2008," Marahil dito nila ipinapalaganap ang mas matinding kaalaman ng mga estudyante ukol sa mga usaping copyright.

Ayon naman sa nakapanayam ng mananaliksik na si Ma. Asena Galang ng NBDB na mayroon nang organisasyong naitaguyod para tumulong sa pagpuksa ng book piracy dahil gusto nitong habulin ang mga taong nagsasagawa ng pagxerox. Nabanggit din ni Ms. Galang na kailangan din bayaran ang copyright kapag nagpapaphotocopy ang isang indibidwal. Gaya ng sabi niya, "One has to pay for the copyright also, not just the paper and the ink used." Subalit, wala pang batas para rito at tuloy pa rin ang paghanap nila ng campus na mangunguna sa ganitong gawain o ang kanilang tinatawag na "Pilot Campus".

Para naman sa iilang problema tungo sa interes at kawalan ng interes ng mga mamamayan sa pagbasa ng literatura, may nasabing iilang suhestyon ang mga awtoridad upang makatulong sa pag-angat ng kagustuhan para sa nasabing larangan.

Nabanggit ni Karina Bolasco (2006) ang agos tungo sa paglalathala ng mga sanaysay ng "finest and most important journalists", na kung saan ang mga gawa ng mga ito ay mas reader-friendly dahil dito napapaloob ang mataas na antas ng kalinawan ng kanilang tanaw, ang pagkilala nila sa kagustuhan ng mga mambabasa, ang kanilang pagkamulat sa kung anong naaayon sa panahon at sa kung ano ang hindi kumukupas, pati na rin ang mataas na antas ng kanilang pagiging propesyonal.

Naisulat naman ni Tony Hidalgo ng Milflores Publishing (2006) ang tungkol sa pagtaguyod ng mga manunulat ng "benign intersections of life" kung saan ang mga intelektwal at malaking populasyon mula sa masa ang nakapaloob dito. Masasabing kasama sa interseksyong ito na makikinabang ang dalawang grupo dahil ang mga gagawing libro ay ukol sa kanila na tutulong sa sa kanila na magbigay ng dagdag na kaalaman sa kanila. Ilang halimbawa nito ay ang pagsulat tungkol sa mga pamilyar na sanaysay gaya ng ukol sa mga shopping malls, beauty pageant, pagsasabong, paglipat sa Amerika, pagkilala sa gay culture, at ang single life na isinulat ng mga award-winning writers.

Makakatulong din naman ang Unibersidad ng Pilipinas sa usapin ng kakulangan sa manggagawa at tauhan sa pamamagitan ng pakikiusap sa iba't-ibang kolehiyo, tulad ng College of Business Administration, College of Arts and Letter, at College of Fine Arts, na magtayo ng mga bagong kurso kung saan matutulungan ang mga estudyante sa mga kaalamang kailangan para sa industriyang pinag-uusapan. Kung kaya namang banggitin ng mga aspetong kailangan ng lalo pang pagpapabuti, kaya namang maghandog ng Unibersidad ng mga kursong makakatulong sa mga pangangailangang ito. Nagawa na rin ito ng UP para sa ibang sektor,tulad sa mga lokal na gobyerno, pribadong korporasyon, organisasyon ng MEDIA, at Non-Government Organizations (NGO's). (Emerlinda Roman, 2007)

Maaring mayroon pang ibang solusyong ang mga organisasyong ito, datapwat, karapatdapat ay may gawin din ang mga mamamayang Pilipino.


III. Nang Maisama na ang Opinyon at Kaalaman ng Mga Mamamayang Pilipino Ukol sa Book Industry

Sa kabanatang ito isasama ang mga kasagutan ng mga nabigyan ng sarbey. Maaaring ito ang maging daan upang malaman ang mga iniisip ng mga tao ukol sa book industry. Dito rin makikita ng mga maaaring nagbabasa ng pag-aaral na ito kung tugma ang mga nararanasan ng mga respondente sa mga suliraning nabanggit sa unang bahagi ng pag-aaral na ito. Sa pamamagitan ng 20 na respondente ang pagsagawa ng sarbey na ito.

A. Kung may alam ba ang mga respondente sa mga pangyayari sa book industry ng Pilipinas.

Mula sa mga ito, 95% ang nagsabing wala silang alam ukol sa mga pangyayaring ito, habang 5% naman ang nagsabing mayroon. Ipinapakita nito ang hindi gaanong pagkilala at pagpansin sa industriyang ito ng Pilipinas ng iilang mga respondente.

B. Kung mahilig bang magbasa ang mga respondente

Mula sa 2o na respondente, 35% ang nagsabing mahilig silang magbasa. 35% din naman ang kinabibilangan ng mg respondenteng hindi nahilig sa ganitong gawain, habang 30% ang hindi gaanong nahuhumaling sa pagbabasa ng mga libro at iba pang nailimbag na kagamitan.

C. Kung anong uri ng libro ang madalas nilang basahin

Nakakalap ang mananaliksik ng 55% na respondenteng madalas magbasa ng mga textbook, habang 45% mula sa mga ito ang madalas magbasa ng mga nobela. 2 % naman ang madalas magbasa ng mga tula at lyrics ng kanta. Sinabi rin ng 5% mula sa mga respondente na nagbabasa sila ng diksyunaryo at 5% din ang nagsabing madalas silang magbasa ng Encyclopedia at iba pang katulad nito.

D. Kung gumagamit ba ang mga respondente ng non-school books, at kung para saan ito

55% mula sa mga respondenteng ito ang nagsabing kumukuha sila ng dagdag na impormasyon ukol at kaalaman mula sa non-school books, habang 45% naman ang nagsasabing gumagamit sila ng mga ganito dahil gusto nilang maglibang lamang.

E. Kung bumibili ba ng orihinal na kopya ng mga libro ang mga respondente o nagpapagawa na lamang sila ng kopya (nagpapaphotocopy).

Galing sa mga respondente, 35% lamang ang bumibili ng orihinal na kopya. 40% naman ang nagpapagawa na lamang ng kopya o nagpapaphotocopy ng mga libro at ibang babasahin, at 25% naman mula rito ang minsa'y bumibili at minsa'y nagpapagawa na lamang ng kopya sa kani-kaniyang xerox stations.

F. Kung alam ba ng mga respondente na masama ang pagpapagawa ng kopya ng libro ng walang pahintulot ng orihinal na manunulat nito

55% mula sa mga respondente ang nagsabing hindi nila alam na masama ito, habang 45% lamang ang nagsabing alam naman nila na mali ang gawaing iyo.

G. Kung sa tingin ba ng mga respondente ay maganda ang kalidad ng textbook na ginagamit nila sa kanilang eskwelahan

60% mula rito ang nagsasabing hindi maganda ng kalidad ng mga ginagamit nilang libro. Mayroong nagsabi mula sa porsyentong ito na sadyang ganoon ang mga libro nila dahil hindi hamak na sa mga pampublikong paaralan lamang sila nag-aaral. Subalit, mayroong iilang nagsabi na kahit nag-aaral sila sa mga pribadong paaralan ay hindi nila nagagamit ang libro dahil kulang-kulang ito sa impormasyong ipinamamahagi. Ang iilang impormasyon din daw ay mali. 40% naman nagsasabing nakakatanggap sila ng mga librong may magandang kalidad, ngunit masyadong mahal ang mga ito.

H. Kung nanghihiram na lang ba paminsan ang mga respondente ng libro at babasahin

Mula sa mga respondente, 70% ang nagsabing humihiram sila sa iilang kadahilanan. Isa na rito ang dahilan ng pagkamahal ng mga librong binebenta. Sabi rin ng isang respondente'y titignan niya muna ang libro ng kanyang kaklase, at kapat kulang-kulang naman ang impormasyong nasa babasahin, hindi na lamang siya bumibili. Marahil pinapagawan na lamang niya ng kopya ang mga importanteng bahagi ng babasahin upang makatipid na rin siya. Minsan din nama'y hindi saglit lamang ito nagagamit kaya't nanghihiram na lamang ang iba. Sa kabilang dako naman, 30% lamang ng mga respondente ang nagsasabing hindi sila humihiram ng mga libro o babasahin. Bumibili ang iilan sa kanila dahil umaasa silang magagamit pa nila ito sa ibang usapin sa klase.

I. Kung ano ang mas ginagamit ng mga respondente kapag sila'y gumagawa ng pananaliksik o ng pag-aaral

90% mula sa mga respondente ang nagsabing ang internet ang madalas nilang gamitin, habang 10% ang ginagawang sanggunian ang mga libro at iba pang katulad nito.

J. Kung sa palagay ba ng mga respondente'y sapat na ang impormasyong nakukuha nila mula sa internet o libro

65% ang nagsasabing sapat na ang impormasyong nakukuha nila mula sa internet kahit. May iilan ding nagsabi na mas madaling maghanap sa internet kaya iyon na lamang ang ginagamit nila dahil isang pindot lamang nila'y marami nang lalabas na kaugnay na pag-aaral ukol sa kanilang hinahanap. Mayroon ding nagsabi na mas nakakatipid sa oras ang paghahanap sa internet, at makakaiwas pa sila sa pagbili ng mga librong wala sa silid-aklatan. 35% naman mula sa mga ito ang nagsasabing mas mainam ang impormasyong ipinamamahagi ng mga libro dahil detalyado, ngunit, minsan, sabi ng isang respondente, ay mahirap maghanap ng impormasyon dahil hindi gaanong kumpleto ang impormasyong ipinamamahagi nito, at minsa'y luma na ang libro't iisa lamang ang ganoong kopya, kaya't parang nakikipag-aagawan ang respondenteng ito.


IV. Konklusyon at Rekomendasyon

Tunay na kahit papaano'y may pinoproblema pa rin ang book industry ng Pilipinas kahit pa sabihin ng iilan na hindi naman ito masyadong kilala o pinag-uusapan. Marahil, masyado lamang nababaling ang atensyon ng mga mamamayan tungo sa mas malaking problemang ikinakaharap ng iba pang industriya sa Pilipinas. Subalit, hindi dapat isantibi ang mga problema na nararanasan ng industriyang napag-uspan sa kalahatan ng pag-aaral na ito.

Nariyan ang pagkakaroon ng mababang kalidad ng mga libro para sa mga mag-aaral, ang book piracy, ang kakulangan sa tauhan o mga propesyonal, at ang pagkabaling ng atensyon ng bagong henerasyon o ng mga kabataan sa mas mataas na antas ng teknoholohiya sa bansa. Iilan lamang ito sa mga nararanasang suliranin ng book industry, at maaaring higit pa sa mga nabanggit sa pag-aaral na ito ang kasalukuyang kinakalaban ng mga ahensya't organisasyong nakapaloob dito.

Minsan siguro'y iniisip ng mga tao na hindi malaki ang epekto ng mga suliraning ito. Ngunit, hindi rin siguro naiisip ng mga tao na mayroon itong malaking kinalaman sa edukasyon ng bawat isa. Kung hindi gagamitin ang mga libro't iba pang nailathala na, saan pa kaya maaaring kumuha ng impormasyon ang mga mamamayan? Naisip siguro ng iba na nariyan naman ang internet, datapwat, sa paningin ng mananaliksik ay hindi ito sapat upang matustusan pagkauhaw ng ating mga utak sa impormasyon. Nariyan ang mga kagamitang panliteratura upang mapansin ang kagalingan ng kapwa natin Pilipino. Dito makikita na ipinagbubuti at ipinagyayaman nila ang kulturang kinalakihan ng karamihan.

Marahil naisip lamang ng iba na libro LAMANG ang mga iyan, subalit, hindi naisip ng mga taong iyon na higit pa sa kaalaman ang kanilang makukuha mula sa mga nailimbag nang libro. Dapat malaman ng iba na maaaring ang mga librong ito ang sumalamin sa kanilang mga buhay, pati na rin sa paraan ng kanilang pamumuhay. Dito maaaaring matagpuan ng isang indibidwal ang koneksyon niya sa kanyang lipunan, at ang kanyang maaaring gawin upang makatulong sa pagpapaunlad ng iba't-ibang aspeto sa sosyedad.

Sa pagsasagawa ng ganitong pag-aaral, inirerekomenda ng mananaliksik sa maglaan ng sapat na oras para sa pananaliksik. Karapatdapat na magkaroon ng sapat na sanggunian upang mabigyanb buhay ang pag-aaral na ito dahil walang maipapamahaging impormasyon ang mananaliksik, kung wala ang mga materyal na ito. Inirerekomenda rin ng mananaliksik na kapanayamin ang mga awtoridad at mga propesyunal upang makakuha ng tumpak at sapat na datos para sa pag-aaral na isasagawa. Nawa'y nakatulong ang pag-aaral na ito para sa iilan.


V. Sanggunian

Roman, E.R. (August 16, 2006). Challenges to the Philippine Book Industry. Internet: http://www.up.edu.ph/features.php?i=7

IP Philippines' int'l meet tackled book piracy :Growth in book industry despite piracy concerns: Internet: http://ipophil.gov.ph/htm_doc/pressrelease04182007.htm

The UP Forum Volume 8 Number 4 July-August 2007 : Internet: http://www.up.edu.ph/upforum.php?issue=20&i=157

ACCU/UNESCO: Internet: http://www.accu.or.jp/appreb/02/02-02/02-02country/02phi.htm

No comments: